Pasko Na Uli Kabayan
Pasko Sa Pinas. Ang sabi ng iba ang Pasko ay hindi lamang tuwing Disyembre. Ito daw ay isang pagtitipon at selebrasyon na ginaganap araw-araw. Dito sa atin sa Piilipinas, ang Pasko ay maituturing na pinakamalaking selebrasyon na ginagawa bago matapos ang taon.
Naalala ko tuloy kahapon nang ako’y sumakay sa isang pampasaherong Jeepney papuntang Alabang. May isang batang gusgusin na nasa edad na 9 or 10. Mayroon siyang dalang sobre na ang nakasulat ay maagang pamasko para sa mga batang Badjao. Pumasok siya sa Jeep at isa-isang inabot ang dala-dalang sobre. Sa aking pakiramdam ang batang ito ay ginamit lang ng isang sindikato upang manghingi ng pera sa mga pasahero.
Naawa ako sa bata ngunit hindi ako nagbigay ng kahit isang kusing dahil sa aking paniniwala, ang mga batang ito ay hindi dapat inaabuso at kung ikaw ay magbibigay ay uulit-ulitin lamang nya ang hindi magandang kaugaliang ito. Sa kanyang kamusmusan, ang batang ito ay dapat nasa isang eskwelahan at nasa aruga ng kanyang magulang, ngunit sa hirap ng buhay, marahil ito ay pinabayaan na lamang na palaboy-laboy kung saan-saan.
Ngunit may mga ilang kababayan natin na totoo ngang nanghihingi sa kalsada tulad ng matatanda nating kababayan, sina lolo at lola. Sa aming lugar dito sa Las Pinas makikita mo ang ilang matatandang patuloy na nanglilimos ng awa para sa ikabubuhay at para pamatid gutom at uhaw sa pang araw-araw na buhay. Hindi lahat ng pulubi ay hawak ng sindikato. Hindi lahat ay nagkukunwari. Hindi lahat ay dapat ituring na sakit ng lipunan.
Mula ngayon, may halos anim na buwan pa bago sumapit ang Pasko. Sa aking pagbabasa ng sarili kong blog, naalala ko ang aking sinulat tungkol sa Pasko sa Pinas. Naalala ko ang ating mga kababayang naghihirap at mga kababayang may ginintuang puso na patuloy na tumutulong sa mga kapos nating mga kababayan. Bago sumapit ang Pasko at kahit hindi Pasko, sana ay matutunan natin ang magbigay sa mga kababayan nating nangangailangan ng tulong. Hindi lamang sa mga pulubi, hindi lamang sa mga walang tahanan, hindi lamang sa mga may sakit, hindi lamang sa mga kabataan na nalululong sa masamang bisyo kundi ang tulong na patuloy natin silang ipanalangin na sana’y maging mabuti ang ating buhay dito sa ating bansa. Ang pagtulong ay hindi lamang tungkol sa pera, ito’y nauukol din sa pakikipag-kapwa tao. Halina ka kabayan tumulong na tayo.
Muli kong ibinabalik ang ginawa kong video na ito. Nawa’y maibigan mo.
Pasko Sa Pinas by Pinoy Ambisyoso.


















