Pasko sa Pinas
Pasko sa Pinas. Ang sabi nila, ang Pilipinas na yata ang may pinakamahabang selebrasyon at pinakamasayang Pasko sa buong mundo. Nakasanayan na natin na kapag sumapit na ang unang buwan na nagtatapos sa “Ber” o ang September, nangangahulugan, malapit na ang Pasko. Ang iba naman nagsisimula na ng mga dekorasyon, namimili na ng mga regalo at kung anu-ano pa, mapaghandaan lamang ang Pasko. Para sa ating mga Filipino, ang Pasko ang pinaka engrandeng Piesta ng buong taon. Ito ang panahon ng bawat pamilya na magsama-sama, panahon para magbigayan, panahon para sa kasiyahan, pagkain, at pagkakaibigan. Tradisyon mang maituturing, ang Pasko pa rin ang pinakamasayang selebrasyon sa ating mga Filipino.

Noong bata pa ako madaming bagay ang itinuro sa akin ng ating kultura sa tuwing sasapit ang Pasko. Nangingiti na nga lang ako kapag sumasagi sa aking isipan ang mga alaalang naging bahagi na ng aking buhay. Ikaw? anong naaalala mo sa tuwing sasapit ang Pasko? Kabayan halika’t ating isa-isahin ang mga bagay at tradisyon na makikita dito lamang sa Pilipinas sa tuwing sasapit ang Pasko.
Sino nga bang makakalimot sa Simbang Gabi.Noong bata pa ako, halos buong Barangay nagkikita sa simbahan makumpleto lang ang Simbang Gabi. Pero ngayon, nakakalungkot, iilan na lamang ang mga gumugunita sa pagtitipong ito.

Sa tabi ng simbahan eto ang mga nagsasarapang Bibingka at Putobumbong. Pero ngayon, kahit saang sulok ng kalye makikita mo ang nagsasarapang mga pagkaing ito. Kahit hindi araw ng Pasko, matitikman mo ang sarap ng lutong Pinoy na ito. Yun nga lang, nakakalungkot isipin, sa hirap ng buhay ngayon, ang ilan ay hindi na tulad ng dati. Ngayon, karamihan sa kanila, naglalasang harina na.


Ang mga nag-gagandahang mgaParol tiyak hindi mo malilimutan ito. Naalala ko pa noong bata pa ako, gumagawa kami ng Parol para isabit sa aming bintana. Sa aming eskwelahan, isa sa mga proyekto namin gumawa din ng parol. Ganyang-ganyan sa larawan ang mga unang parol na nakita ko.

At dahil sa pagbabago, madami sa atin nakalimot na sa dating parol na ating kinalakihan, ito na siya ngayon. Mas pinakinang at pinaganda. Ang mga ganitong uri ay makikita sa bayan ng Pampanga. Ang bayang ito ay isa sa may pinakamalaking kontribusyon sa pag-gawa ng Parol.

Siyempre, hindi mawawala sa ating kultura ang mga Ninong at Ninang. Sila ang nagbibigay sa atin ng gabay bukod sa ating mga magulang. At sila din ang isa mga nabibigay ng aguinaldo sa tuwing sasapit ang Pasko. Ang hindi ko malilimutang aguinaldong natanggap noon sa Ninong ko, yung Tren-trenan na de baterya. At siyempre, yung walang humpay na Beinte at Singkwenta Pesos! Pero ngayon, marunong na ang bata, kailangan Isandaan na!

Hindi pa tayo nagtatapos dyan. Naaalala mo ba ang mga Peryahan? Di ba diyan mo nakita ang babaeng gagamba, ang lalaking pugot ang ulo, ang lalaking may walong kamay? Teka, “Catterpillar” nga pala ang paborito kong sakyan noon bukod sa Octopus at Periswheel! Pero ngayon, kahit hindi Pasko, ang daming Peryahan kung saan-saan. Hindi na kasiyahan ang dala, kundi sugal.

Nga pala, naaalala mo ba ang pinakamalaking christmas tree sa Cubao? E yung animated show sa COD sa tuwing sasapit ang Pasko? Nakakatuwa ang mga alaala noon ng COD, kasi gabi-gabi inaaya ko ang tatay at nanay ko para manuod dun. Mabuti na lang, hindi pa din siya nawawala dahil inilipat na siya ngayon sa Greenhills Shopping Center.


O di ba ang saya pa din ng Pasko sa atin? Kahit pa sabihin ng iba na maingay ang Pasko sa atin, kahit na madami pa ang nangangaroling, kahit na trapik pag-sumasapit ang Pasko, kahit na puro kainan pagsapit ng Pasko, kahit mahirap lang tayo at naghihikahos sa buhay basta’t kapiling ang buong pamilya iba pa din dito sa atin. Ikaw ba? Kailan ka huling nag Pasko sa atin? At sa tuwing sasapit ang Pasko, madami sa atin ang kumpleto ang pamilya. Madami sa atin ang sobra sa biyaya, madami sa atin kumpleto ang pagkain pag noche buena, madami sa atin ang mayaman.
Ngunit alam mo ba sa likod ng ating mga kasiyahan? Madami tayong mga kababayan ang salat sa yaman? Madami ang nangangailangan. Madami ang nag-iisa sa buhay. Walang tirahan. Walang makain. Walang magulang. Wala ng pamilya. Ang kaunting biyaya na maitutulong natin sa kanila ay sapat na para lumigaya ngayong Pasko. Sana hindi lang ngayong Pasko. Gawin nating araw-araw, ito san ang itanim natin sa ating mga puso at ipamana natin sa ating pamilya. Tumulong tayo Kabayan.

“Kabayan kahit nasaan ka man, Maligayang Pasko sa iyo at sa iyong Pamilya. Ngayong Pasko, sabay sabay tayong manalangin at magpasalamat sa ating Panginoon.”
Pasko sa Pinas by Pinoy Ambisyoso.







